Doon sa Plasa (Isang Maikling Kwento)

Sa alaala ng mga nasawi dahil sa kawalan ng hustisya.

Doon. Doon sa plasang iyon na daanan ng libo-libong tao sa bawat araw. Saksi sa trahedyang sumasakal sa aking pagkatao, sumisikip, mas humahapdi. Unti-unting lumalamon sa aking pag-iisip at sa aking mga pangarap. Duguan at walang malay. Umaagos nang tuloy-tuloy habang nakahimlay sa sentro ng plasang iyon. Ako’y natauhan, natigil. Nakita ko ang wala nang buhay kong ama at kapatid na lalaki. Doon walang tigil akong tumangis at humingi ng tulong. Wala ni isa mang nagmagandang-loob na kami ay tulungan. Dama ng kalangitan ang pighati, kasabay ng pagbagsak nito ng malakas na ulan. Mainam siguro sa kanilang paningin ang ganoong senaryo, waring isang palabas ang kanilang nasisilayan. Palabas sa plasa.

Ilang oras makalipas ay may iisang nagdala sa amin sa ospital. Hindi ko mawari kung bakit kinakailangan pang buhusan kami ng malakas na ulan bago may mag-abot ng kamay sa amin. Dead-on-arrival. Wala na ang buhay ng aking ama at kuya, ang natitira kong pamilya. Marahil mabubuhay pa sila kung nadala agad sa pinakamalapit na pagamutan. Sadyang sakim at manhid ang tao. Makasarili. Makasarili silang lahat.

Kumalat sa buong bayan ang malagim na pangyayaring iyon sa aking pamilya. Marami ang nakiramay at marami rin namang mga makikitid ang utak na nagsasabing tama lamang na mangyari iyon sa aking pamilya. Tama raw. Hindi ko sila magawang paniwalaan. Masama nga palang kumalaban kila mayor ang tulad naming mahihirap. Sila na mga tiwali at mapagpalalong namamahala sa bayan ng Sto. Domingo. Nagawa nilang bulagin ang mga mamamayan ngunit hindi ang aming pamilya. Namatay sina tatay at kuya, ngunit hindi mamamatay ang labang supilin ang panloloko at mga palabas. Ang TV Show ng pamahalaan. Ang kurapsiyon.

“Psst! Hoy! Rosa! Nakatulala ka na naman diyan. Ano? Iniisip mo na naman si kuya Rommie at Tiyo Lando? Sampung buwan na ang nakalilipas ah?”

Lagi na lamang ganito ang sinasabi sa aking ng pinsan kong si Carmela sa tuwing natutulala ako.

“Hindi ko maiwasang hindi sumagi sa isipan ko ang pagkawala nila. Ginawa lang naman nila tatay iyon para sa ipaglaban ang nararapat at tama, para sa ikabubuti ng mga taga-Santo Domingo. Hindi ko pa rin matanggap na hanggang ngayon ay wala pa ring nakukulong sa kasong iyon. Si tiya Lorena lang naman ang nakaalitan nila tatay.”

“Naku! Sinasabi ko sa’yo paulit-ulit na lang! Wala tayong laban sa Mayor Lorena na ‘yan! Kailan ba tayo itinuring na kamag-anak niyan simula noong maupo iyan sa puwesto?”

May punto si Carmela. Nakagagalit. Binulag si Tiya Lorena ngkapangyarihan at pera. Kaban ng bayan ay ginagamit niya para lamang sa kapakanan niya. Wala siyang nagawang pagbabago sa bayan namin. Wala.

Muli ay nagsalita si Carmela, “Ano na ang plano mo ngayon? Huwag mong sabihing lalabanan mo pa ‘yang tiyahin natin? Aba, wala kang laban diyan!”

Hustisya na nga lang Carmela para sa pagkamatay nina tatay at kuya pati na rin sa maling sistema sa pamahalaang bayan ang hinihiling ko. Kulang pa nga iyon kung tutuusin. Kung masama lang akong tao ay ilalagay ko na mismo ang batas sa aking mga kamay, kaso hindi e. Kailangan kong lumaban ng tama at naaayon sa batas.”

Ilang araw ang nakalipas, ginawa ko ang lahat para mapabilanggo si Tiya Lorena. Inilaban ko sa hukuman ang kaso ng aking pamilya. Lihim ko siyang sinasaksak mula sa kailaliman tungo sa kanyang puso, papaakyat. Lahat ng baho niya ay naisiwalat ko sa publiko. Ang kanyang pagiging ‘drug lord’, ‘jueteng lord’, ‘corrupt official’, lahat-lahat!

Unti-unti. Sa bawat hakbang ay alam kong mananalo ako sa labang ito. Hindi masasayang ang dugong kumalat sa plasang iyon. Makakamit ko ang hustisya. Makakamit namin ito.

Isang araw ay nabalitaan kong napatunayang nagkasala si tiya Lorena at nakulong. Natanggal siya sa pagkaalkalde at napatawan ng panghabang-buhay na pagkakakulong.

Umaga. Masaya kaming naglalakad ni Carmela doon. Doon sa plasang iyon, na hindi na lungkot at takot ang namamayani sa akin kundi tuwa, dahil may hustisya pa pala, at nakamit namin ito.

“Hindi ka ba natatakot Rosa sa ginawa mo? Diyan sa buhay mo?” Biglang pag-uusisa ni Carmela.

“Bakit ako matatakot, gayong ginawa ko lang ang tama. At saka nakakulong na si Tiya…”

Isang putok ang bumasag sa katahimikan sa plasang iyon. Hindi ko na natapos ang aking sinasabi dahil umaagos na sa aking dibdib ang dugo. Hindi ko na kinaya pa at ako ay tumumba. Muling tumakbo sa aking isipan ang mga alaala at namayani ang katulad na emosyon noong mga araw na iniiyakan ko ang nakahandusay kong ama at kuya. Ngayon, hindi pa rin pala ako ligtas. Ramdam ko ang pagpulandit ng dugo mula sa aking kalamnan, inuubos ang aking lakas. Natapos na ang labanan. Natapos na rin ang buhay ng lumaban. Doon. Doon sa plasang iyon na kumikitil ng buhay pagkat siya ay bulag sa katarungan.

Advertisements

Leave a reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s