Tigsisingkong Pamamahala

Sa bayang lugaming inaapi ng todo,

Pilitin mang bumangon hindi na matanto,

Paano’y sinantabi ng mga lider nito,

Ang mga mamamayan, yaman ng estado.

 

Saan man bumaling iyong mababanaag,

Lahat ng sakripisyo’y ‘di sumasapat,

Ang bawat singkong nagmula sa pagsisikap,

Kapalit ay serbisyong, pulitiko’ng mas umaangat.

 

Sisikat din ang araw dito sa silangan,

Pangarap na makaahon ang siyang pinanghahawakan,

Mga manggagawang nababaon sa kahirapan,

Kailan ba makaaalis sa lusak ng kasalukuyan?

 

Nasa’n ang nasyonalismong sa ati’y ipinamana?

Binago ng mundo ang nakikita ng mga mata,

Mas matimbang kung lilimiin, ang pamumulitika,

Kaysa pagsilbihan, bayang nilubog ng tadhana.

 

Oo ikaw, kayo ang namamahala,

Ang siyang dapat magtanggol at dapat mangalaga,

Ngunit taliwas ang hangarin sa puso’y nakikita,

Ang ibalik sa kulungan ang ginintuang agila.

 

Huwag sanang masilaw at magbulag-bulagan,

Sa tunay na halaga ng paglilingkod sa bayan,

Huwag sanang malimot ang mga mamamayan,

Huwag sanang malimot ang perlas ng silangan.

Advertisements

Pork Barrel: Kaban ng Buwaya

Perang pinaghihirapan nating mga mamamayan

Kakarampot na nga lang pilit pang kinakaltasan

Nilang mga nakaluklok at may mga kapangyarihan

Sa buwis daw napupunta at sa kaban ng bayan

 

Kabutihan at kaayusan ang ating inaasahan

Marami naman daw proyekto ang pinaglalaanan

Ngunit hindi naman lahat ay naisasakatuparan

‘Pagkat Pork Barrel ibinubulsa nilang mga gahaman

 

Manloloko, makasarili’t mapang-aliping mga pulitiko

Palagatasan kung ituring tayong mga Pilipino

Habang ang bawat isa sa atin ay nagbabanat ng buto

Patuloy lang silang magpapakasasa sa kanilang pagkakaupo

 

Nakapapagod, nakapanghihina at nakapanlulumo kung iisipin

Ngunit kung ito ay dadamhin, ay nakagagalit rin

Nakapanghihinayang ang salaping ating kikitain

Kung sa pagpapabundat lang ng mga buwaya ito gagamitin.

 

Pulubi

Sumuong ka sa digmaan ng damdamin
Tanging sandata mo ay ang iyong mithiin
Lagablab ng puso ang sisidlan ng hangarin
Na makaalpas pa at maabot ang mga bituin.

Gula-gulanit man ang iyong kasuotan
Sukdulan man kung ika’y pandirihan
Iniinda ang sakit na nararamdaman
Hindi papatalo sa mga mata ng lipunan.

Hangad mong umahon na sa kahirapan
Pilit nagsusumikap kahit walang pinag-aralan
Binubuhay ang sarili para sa kinabukasan
Kahit na sa kalsada pa manirahan.

Masakit isantabi ng sarili mong bayan
Walang malasakit na ikaw ay tulungan
Namamayani sa’yong puso’t isipan
Na ikaw ay lalaban hanggang kamatayan.

Perlas

Walang sisidlan

Ang puso kong ito

Nakikiramdam, nakatitig

Dito sa mundo

 

Minamasdan ang galaw

Ng bawat tao

Nasasaktan, nahihirapan

Sa pagdarahop ng Pilipino

 

Nagbubunyi, nasisiyahan

Sa tagumpay ng bayan ko

Nagagalit, napopoot

Sa lahat ng panloloko

 

Ang puso kong ito ay hindi akin

Hindi rin ito masasabing iyo

Maaaring angkinin

Ng kahit na sino

 

Ang puso kong itong

Walang sisidlan

Walang katawan

Ito ay ang Perlas ng Silangan

Rebolución

Isang pagpupugay sa mga taong lumalaban para sa kapakanan ng nakararami.

 

Tangan-tangan ang kanilang mga karatula,

Sila’y nagtitipun-tipon doon sa Mendiola,

Pag-asa’t pagkakaisa’ng kanilang mga sandata,

Nasyonalismo ang nagtulak upang sila’y magsama-sama.

Bawat sigaw nila’y boses ng masa,

Sambayanang Pilipino sa kanila’y umaasa,

Pagbabago ang hangarin sa bawat mga martsa,

Iba-iba man ang antas, ang pangarap ay iisa.

 

Dugo ng himagsikang nag-ugat kay Bonifacio,

Sa kanila nananalaytay ang dugo ng aktibismo.

Pagka-makabayang nagmula kay Jose Rizal,

Hindi magpapaapi, lalaban at lalaban.

 

Ilang dekada na’ng lumipas lumalaban pa rin,

Sakdal igapos man, hindi palilipasin.

Ilang dekada man ang lilipas lalaban pa rin,

Pilit isisigaw ang rebolusyon ng damdamin.

Katas ng Lalim ng Gabi

Nagtagpo ang bawat nating mga kamay,

Katawa’y dinama natin ng sabay.

Lalim ng gabi ay nag-uumapaw.

Init ng pag-ibig ay nangingibabaw.

 

Nagpupumiglas ang ating pagmamahalan.

Nag-aalimpuyo ang ating kalamnan.

Pinatay ang gasera kong sinindihan,

Buwan ang nagsilbi nating ilawan.

 

Dumampi ang aking mga labi sa iyo

Sinabayan ng mga kuliglig ang tono nito.

Inangkin kita’t kinalimutan ang mundo.

Inangkin mo ako sa natitirang mga Segundo.

 

Sa sandaling ito’y namalas ang pag-ibig,

Mula sa ating pusong naghihimagsik.

Sa sandaling iyon tayo’y naging isa,

Tinapos ang gabi nating inumaga.

Kabalintunaan

Pagod na akong humiyaw,

Kahit walang isinisigaw.

Pagod na akong tumingin,

Kahit walang maabot ng tingin.

 

Pagod na akong makinig,

Kahit walang naririnig.

Pagod na akong maghabol,

Kahit walang hinahabol.

 

Pagod na akong maghintay,

Kahit walang hinihintay.

Pagod na akong mag-isip,

Kahit walang iniisip.

 

Pagod na akong mabuhay,

Kahit na takot mamatay,

Pagod na akong magpanggap,

Sa mundong hindi ako matanggap.